Lahat naman tayo gusto umasenso. Kaya naman tayo ay handang magtrabaho kahit sa ibang bansa para kumita ng malaki.
Alam din nating lahat na kailangan nating palaguhin ang perang kinita na natin bilang handa para sa panahong hindi na tayo pwede magtrabaho. Pero bakit nga ba ang hirap nito?
Sa aking palagay merong 3 na dahilan bakit nahihirapan tayong mga Pilipino.
Una, hindi naman tayo tinuturuan nito sa paaralan. Sa ating mga paaralan, ang tinuturo ay paano TAYO maaring kumita ng pera – magtrabaho o magtayo ng negosyo. Pero hindi tayo tinuturuan kung ano ang maari nating gawin sa perang kinita na natin. Ang alam lang natin ay ilagay ito sa bangko – at hindi ito sapat.
Pangalawa, dala na rin ng kakulangan sa pagtuturo, hindi natin pinaglalaanan ng oras o pansin ang perang kinita na natin. Pag-isipan natin. Halos kalahati ng 24-oras ng bawat araw ay ginugugol natin sa mga trabaho o negosyo natin. (Kasama na diyan ang trapik, kain at ligo.) Pero gaano karami ang oras na ginagamit natin para sa perang kinita na natin? Parang mga bata din kasi ang mga yan. Pag hindi mo pinansin at hinayaan mo na lang eh malamang mapapariwara yan.
Pangatlo, walang kasiguraduhan ang pamumuhunan. Kahit anong LEHITIMONG paraan ay may posibilided na mauwi sa pagkalugi. At medyo sigurista tayong mga Pinoy. Kaya tuloy ang dali nating mapasok sa mga maling pamamaraan ng pamumuhunan dahil gusto natin yung “Sigurado”.
Ano ngayon ang magagawa natin?
Maraming pwede pero para sa akin pwede tayong magsimula sa dalawang ito.
Una, seryosong magtabi ng oras para bantayan ang pera. Hindi yung gagawin mo lang ito pag wala ka nang ibang magawa.
Pangalawa, mag-aral ng maayos. Hindi yung magbabasa ka lang sa Facebook o Google tapos alam mo na lahat. Ako nga, hanggang ngayon eh nag-aaral pa din dahil mabilis na magbago ang mundo. Ang mga bagay na dating tama ay minsan naluluma o nalalaos na. Ang mga batas lang nga ay malaki na ang pinagbago sa dumaang dekada.
Bilang pagtatapos, ang masasabi ko lang ay talagang mahirap ang pamumuhunan. Delikado mag-shorcut sa mga ganitong usapan at kung talagang desidido kang lumago ang perang pinaghirapan mo, kailangan mong mag-aral. Kaya nga kami dito sa PESOS AND SENSE, ang lagi naming sinasabi ay “Aral muna bago invest.”


God bless po,,thank you po….