Tipid Bago Gastos


BY TONI TIU

“Ang hirap magtipid! Ang dami-dami kasing gastos!” Pamilyar ba ang mga salitang ito? Malamang ay nasabi na natin ito isa o dalawang beses, o madalas ay higit pa. Kasamahan yan ng “Kakasweldo lang pero parang araw de peligro nanaman!” o “Wala talaga akong maimpok sa bangko sa dami ng bayarin.” Nadaanan ko na rin ito, pero may sinubukan akong “tipid technique” sa mga nakaraang buwan. Sinubukan ko muna kung effective ba talaga ito bago ko i-share sa inyo. Ngayon ay pwede ko na talagang i-share kasi effective nga!

Simple lang ang kailangan natin gawin para siguradong may matipid tayo sa bawat dating ng sahod: Tipid bago gastos.

Tipid bago gastos
Simple pero mahirap, at kailangan ng disiplina.Bago mo bayaran ang iyong mga bills (cellphone, rent, kuryente, etc.), subukang magtabi muna ng pera para sa iyong savings. Sa bawat pagpasok ng pera, magtabi ka kaagad ng 2% nito.

Halimbawa, kung ang sahod mo ay P15,000, magtabi ka kaagad ng P300. Bakit mo ito kailangang gawin? Kapag hinuli mo ang pagtabi ng pera para sa savings mo, malamang ay konti nalang ang matitira pagkatapos mong bayaran ang iba’t ibang gastusin.

Subukan muna ang 2% na pagtipid ng iyong sahod. Kahit maliit na halaga ito, mas mabuti naman ito kaysa wala kang natitipid sa bawat pagdating ng pera. Sa mga susunod na buwan, subukang itaas ng 5% ang itatabi mong savings, tapos 10%, 15%…

Kapag paulit-ulit mo itong ginawa, mararamdaman mong madali rin pala makatipid. Masaya rin ang pakiramdam kapag alam mong may natatabi kang pera sa savings habang nababayaran mo ang araw-araw na gastusin. Disiplina lang talaga ang kailangan. Sa tipid technique na ito, masaya kong ibinabahagi sa inyo na hindi kailangan maghirap para makapagtipid!

Toni

Footer basic janjpg


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *